Ilang oras matapos manumpa sa tungkulin bilang bagong Press Officer ng Presidential Communications Office (PCO) kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Malacañang ngayong Lunes, Pebrero 24, agad na binatikos ni Atty. Claire Castro si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na nagsabing ang isyu sa impeachment kay Vice President Sara Duterte ay may kinalaman sa pagdedeklara ni PBBM ng martial law sa mga darating na panahon.

“Siguro naman ay natatandaan n’yo noong panahon ni dating Pangulong Duterte, inamin n’ya, piskal pa lang siya, expert na siya sa pang-iintriga at pagplanta ng ebidensiya,” sabi ni Castro.

“Ano’ng ebidensiya? Paano mapapatunayan? Hindi tayo puwedeng maniwala sa pang-iintriga lamang na walang ebidensiya,” sabi ni Castro sa panayam ng media tungkol sa bagong patutsada ni Digong kay Marcos.

Ginawang halimbawa ni Castro ang sinapit ni dating senador Leila de Lima na nakulong ng mahigit anim na taon simula noong Pebrero 2017 dahil sa patung-patong na drug cases na inihain ng Duterte administration laban sa kanya na kinalaunan ay ibinasura rin ng korte.

“Siguro naman napatunayan natin ‘yan sa panahon ni Sen. Leila de Lima. Ano pa ba ang ating ine-expect sa dating Pangulong Duterte?,” tanong ni Castro.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *