Mariing kinondena ni Senate Majority Leader Francis Tolentino ang insidente ng mapanganib na paglapit ng isang Chinese navy helicopter sa light aircraft ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa West Philippine Sea noong Martes, Pebrero 18.
“Dapat siguro mag-file na ulit [ng diplomatic protest]… Kasi ‘pag ginamit mo ‘yung Archipelagic Sea Lanes, nandoon lang dapat sa taas ng sea lanes ‘yung mga aircraft. So, ‘yung dangerous maneuver ng Chinese helicopter should likewise be a basis of a protest,” sabi ni Tolentino.
Sa ilalim ng PH Archipelagic Sea Lanes Law o Republic Act 12065, pinapayagan ang pagdaan ng mga banyagang sasakyang pandagat at panghimpapawid sa itinakdang sea lanes, ngunit hindi dapat ito magdulot ng banta sa seguridad at kaligtasan ng bansa.
Dahil dito, iginiit ni Sen. Tolentino ang paghahain ng diplomatic protest laban sa patuloy na mga probokasyon ng China sa karagatan at himpapawid na sakop ng Pilipinas.
Si Sen. Tolentino ang author ng Archipelagic Sea Lanes Law, at ng twin maritime law nito na PH Maritime Zones Act (RA 12064).
Ulat ni Julian Katrina Bartolome