Sa ginanap na press conference ngayong Miyerkules, Pebrero 18, itinuring ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na ‘hulog ng langit’ ang paghahain ng mga petisyon ng iba’t ibang grupo sa Korte Suprema na kumukuwestiyon sa legalidad ng Articles of Impeachment na inihain sa Mataas na Kapulungan laban kay Vice President Sara Duterte.
“Marahil providential na hindi kami natuloy sa trial dahil nag-recess kami para lahat ng mga bagay na ito ay maidulog na sa Korte Suprema, mapagpasyahan na ng Korte Suprema para wala nang pipigil o aantala sa trial ng Senado,” sabi ni Escudero.
Sinabi ni Escudero na ang mga inihaing petisyon laban sa impeachment ay magbibigay linaw tungkol sa mga teknikalidad at isyu na dapat maging klaro sa lahat para matiyak na magiging patas ang ikinakasang proseso ng pagpapatalsik sa Bise Presidente.
Kabilang sa mga ito ang petition for certiorari and prohibition na inihain ng isang grupo ng abogado mula Mindanao, na humiling sa Kataas-taasang Hukuman na ipatigil ang impeachment dahil ito diumano ay “haphazard and procedurally flawed.”
“May sapat na panahon ang Supreme Court para resolbahin at sagutin ang lahat ng mga isyung ito bago pa man mag-convene ang impeachment court,” ayon sa lider ng Senado.
Ayon kay Sen. Chiz, wala siyang balak magpatawag ng special session upang bigyang-daan ang impeachment trial dahil, aniya, hindi ito nakasaad sa Konstitusyon, lalo na at naka-recess ang mga mambabatas hanggang Hunyo 2 ng kasalukuyang taon.
“Again, the Senate will perform its functions under the Constitution unless there is a TRO or temporary restraining order or preliminary investigation issued by the Supreme Court. Absent that, we will continue with our duties regardless of the tendency of other cases that were filed as of now or maybe filed in the future,” aniya.