Sa ginanap na pagdinig ng House panel sa pagkalat ng fake news at disinformation sa social media ngayong Martes, Pebrero 18, nagkainitan sina SAGIP Rep. Rodante Marcoleta at Commodore Jay Tarriela, spokesman ng Philippine Coast Guard (PCG) sa usapin ng West Philippine Sea (WPS) dahil sa diumano’y pagbansag sa kongresista bilang isang “traydor.”

“’Yung isang commodore tinawag po niya akong ‘traitor’ na hindi po niya tinitingnan ‘yung konsepto ng pinag-uusapan,” hirit ni Marcoleta.

Ito ay may kinalaman sa unang pahayag ni Marcoleta na “there is no such thing as West Philippine Sea,” dahilan upang putaktehin ito ng mga netizen na inakusahan siya na “pro-China.”

Sinabi pa ni Marcoleta na ang bansag sa kanya na “traydor” ay nagmula diumano sa isang post ni Tarriela tungkol sa WPS, na mariing itinanggi naman ng PCG official.

“Let us put in record, sir. I did not use the word ‘traitor’ in describing your statement that the West Philippine Sea ay isang ‘kathang-isip lang’,” giit ni Tarriela.

“I standby the statement of President Bongbong Marcos when he said “ang West Philippine Sea ay mananatiling atin hanggang nag-aalab ang diwa ng ating minamahal na bansang Pilipinas,” ayon pa sa PCG official.

Iginiit ni Tarriela na hindi rin siya obligadong sabihan ang mga vlogger na tigilan na ang pagtawag kay Marcoleta bilang “traydor.” “Those words did not come from me,” ayon kay Tarriela.

Binatikos din ni Tarriela si Marcoleta sa pagtawag sa kanya bilang “gago” at “ignorante” sa isang panayam ng media sa kongresista noong Pebrero 10 ng kasalukuyang taon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *