Sinabi ng Commission on Elections (Comelec) ngayong Sabado, Pebrero 15, na halos 30 milyong balota na ang naimprenta sa ngayon para sa May 2025 national at local elections.

“Sa 72 million [na balota], sa kasalukuyan tayo ay nakaka-almost 30 million na tayo ng naimprenta. Ito ay nagrerepresenta ng 41% nang dapat na iimprenta sa buong Pilipinas,” sabi ni Comelec chairman George Erwin Garcia.

Ayon kay Garcia, kailangang mag-imprenta ng poll body nang mahigit 72 milyong balota sa pamamagitan ng National Printing Office (NPO).

“Ang verification namin ay umaabot ng 5.5 million to 6 million pa lamang. Ang naimprenta namin ay almost 30 million na. So ganyan po ang hahabulin namin,” saad ni Garcia.

Aniya, tulad ng pera, ang isang balota ay maaaring magkaroon ng mga pagkakamali sa printing process.

“Bawat iniimprenta na mga balota ay hindi naman lahat ‘yan ay perfect. Parang pera din na ginagawa natin, mero’t meron din talagang sumasablay. Meron talagang mali ang cut, mali ang kulay o kaya naman ay nagkaroon ng smudge,” saad pa ni Garcia.

Bunsod nito, kailangang sumailalim ang bawat balota sa dalawang antas ng verification process — ang isa ay ginagawa nang manu-mano at ang isa ay ginagawa sa pamamagitan ng isang makina.

“May mahigit na 1,000 na mga tauhan na nasa National Printing Office at nandiyan po sa Quezon City kung saan vine-verify manually ‘yung mga balota sa kanilang mga mata. Kapag ito ay hindi nakapasa sa kanila, hindi na po ito dadaan pa sa makina level. Rejected na kaagad ang balota,” paliwanag ni Garcia.

Tiniyak ni Garcia na magiging handa ang lahat ng verified ballots sa Abril 14, 2025 habang target na matapos ang pag-imprenta sa Marso 19 ng kasalukuyang taon.

Ulat ni Ashley Nicole Ulep

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *