Inusisa ng mga House leaders kung sino ba talaga ang may control sa power transmission company na National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) makaraang mabigo ang abogado ng kumpanya na maisumite ang shareholders’ agreement ng State Grid Corp. of China (SGCP) at ng mga partner nitong Filipino-Chinese kahit pa hinihingi ito ng komite.
“We like to determine sino ba talaga ang nagkokontrol ng NGCP? Is it run, controlled, managed, operated by the Chinese? Or is it really the Filipino?… Up to what extent thus the foreign incorporators or counterpart have influence over the management operation and control of this corporation,” tanong ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers.
Katwiran no Atty. Lilli Mallari, abogado ng NGCP, may nakabimbin umanong arbitration case sa Singapore na nagbabawal sa NGCP na isapubliko ang tungkol sa nasabing kasunduan ng mga shareholders ng kumpanya.
Giit naman ni Parañaque City Rep. Gus Tambunting, chairman ng committee on legislative franchises, alinsunod sa patakaran ng Kamara sa mga imbestigasyon in aid of legislation, ang anumang nakabimbing kaso ay hindi dapat makapigil sa pagkakaroon ng komite ng access sa importanteng dokumento.
Ayon sa batas, ang NGCP ay dapat na 40-porsiyentong pagmamay-ari ng SGCP ng China at ang 60 porsiyento ay dapat na pagmamay-ari ng mga Pilipinong partner nito.
Gayunman, sa pagdinig ng House committee on ways and means noong nakaraang linggo, nagsuspetsa ang chairman ng komite na si Albay Rep. Joey Salceda na mahigit 40 porsiyento ng NGCP ang pagmamay-ari ng SGCP.