Ibinunyag ni Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara na may binabalangkas na bagong patakaran ang kagawaran na may kinalaman sa uniporme ng mga guro sa pampublikong paaralan.
Sa ilalim ng DepEd Memorandum Order No. 04, layunin ng DepEd Uniform Committee (DUC) na tiyaking propesyunal at karapat-dapat ang mga isinusuot na uniporme ng mga guro at non-teaching staff sa lahat ng pampublikong paaralan sa buong bansa, sinabi ni Angara.
Ayon sa kalihim, sinasalamin ng uniporme ang DepEd bilang isang institusyon kaya ito ay dapat naaayon sa mga pangangailangan at tungkulin ng mga tauhan ng ahensya.
Samantala, may anim na buwan ang DepEd para gumawa at maglabas ng bagong dress code policy para sa School Year (SY) 2024-2025 at SY 2025-2026 na sumusunod sa mga patakaran ng Civil Service Commission (CSC).
Habang isinasapinal ang bagong uniform guidelines, inaatasan naman ang lahat ng tauhan ng DepEd na sundin ang umiiral na memorandum order na inilabas noong 2022 na “Wearing of the Prescribed DepEd Uniform and Office Attire.”
Ulat ni Julian Katrina Bartolome