Sinita ng Commission on Audit (COA) ang Department of Education (DepEd) sa pagkakaantala ng konstruksiyon ng mga eskuwelahan sa malalayong lalawigan noong 2023, na nagresulta sa kabiguang maisakatuparan ang layunin ng Last Mile Schools Program (LMSP) na masigurong may paaralan at natututo ang mga nasa liblib na lugar.
“It is very alarming that only 22 out of 98 facilities, transcending only to 22.45% of completion, was achieved by DepEd-Central Office, despite rendering payments to contractors for mobilization fees totaling P211,232,835.61 almost two years ago,” saad sa 2023 audit report ng COA.
Sa annual audit report ng COA noong 2023—sa panahong ang DepEd ay pinamumunuan pa ni Vice President Sara Duterte—natuklasan ng state auditors na 76 sa 98 pasilidad na pinondohan ng P1.4 bilyon para maipatayo ang “still not completed during the year despite payment of mobilization fees.”
Ayon sa COA, dapat na nakumpleto na ang mga pagawaing eskuwelahan sa ilalim ng LMSP dahil napondohan na ito ng DepEd noon pang 2021.
Bukod dito, nabayaran na umano ng DepEd ang mga contractors ng mobilization fees na may kabuuang P211,232,835.61 halos dalawang taon na ang nakalipas kaya masyado nang atrasado ang pagpapatayo sa mga paaralang napakaimportante para sa mga nasa malalayong lugar.
Saklaw ng 2021 budget ng kagawaran ang mga contractor para sa kabuuang 98 eskuwelahan, o 340 classrooms, sa ilalim ng LMSP—na layuning isaayos ang makeshift classrooms at gawing normal na silid-aralan, magkabit ng solar panels sa mga lugar na walang supply ng kuryente, magproseso ng pagmamay-ari sa lupang pagtatayuan ng paaralan, at magtalaga ng mga guro.
“The delays of 555 days as of December 31, 2023, is of paramount concern, as the learners from far-flung communities were denied access to quality education and did not benefit from the project’s target that no learner is left behind,” sinabi pa ng COA sa report nito.