Personal na nasaksihan ng American documentary team ng 60-Minutes ang pambu-bully ng sandamakmak na China Coast Guard (CCG) vessel at mga militia boats ang Philippine Coast Guard (PCG) ship Cape Engaño na nagsasagawa ng resupply at routine mission sa Escoda Shoal kamakailan.
“It’s four in the morning. We’ve all been sound asleep. This alarm just went off on the ship. We were told to wake up and put our life jackets on because we’ve just been rammed by a Chinese boat,” kuwento ni 60-Minutes correspondent Cecilia Vega sa kanyang documentary video.
Kitang kita ng 60 Minutes crew na pinangungunahan ng correspondent nito na si Cecilia Vega kung paano pinalibutan ng mga CCG vessels ang Cape Engaño bago ito binangga ng ilang ulit. Nagtamo ng malaking butas sa gilid ang Cape Engaño bunsod ng insidente.
“We’re at a complete standoff. We’ve been here for, going on, two hours now, not moving. It’s unclear whether we can even turn around and go back, if we wanted to. We’re just completely surrounded by Chinese ships,” ayon kay Vega.
Dahil sa dami ng CCG vessels na nakapaligid sa kanila matapos ang naganap na pagbangga sa Cape Engaño, nagdesisyon ang PCG ship na i-abort ang kanilang resupply mission kaya nilisan na lang nila ang Escoda Shoal habang binubuntutan ng mga China ships.
Natandaan din ni Vega nang kunan sila ng video ng CCG personnel upang palabasin sa international community na nakikipagkutsabahan ang Pilipinas sa paglulunsad ng propaganda war laban sa China.
Sa panayam kay Capt. Daniel Labay ng Cape Engaño, sinabi ng opisyal na malinaw na ang CCG ang sadyang bumangga sa kanilang barko. “This is our place. This is our exclusive economic zone. This is the Philippines,” giit niya.