Todo paliwanag si Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr. hinggil sa hinihiling nitong P50 bilyong budget para sa modernization program ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa taong 2025 sa ginanap na pagdinig ng House Appropriations Committee na pinamumunuan ni Rep. Rizaldy Co ngayong Huwebes, Agosto29.

“Ang military spending po ay hindi bumababa. Lumalaki po ito nang lumalaki. That’s the reality in any country,” sabi ni Teodoro.

“Tayo po sa Asia, susunod lang po tayo sa Laos, na may pinakamababang defense spending. Napakababa,” giit ni Teodoro.

Ito ay matapos kuwestiyunin ni ACT Teachers party-list Rep. France Castro ang malaking proposed budget para sa P50 billion programmed appropriation at P20 billion unprogrammed appropriation ng AFP Modernization Program na nagsimula pa noong 2010.

Sinabi ni Teodoro na malaking bulto ng budget ay pambayad lang ng mga nabili nang gamit at hindi pa nakapaloob dun ang mga bibilhing bagong military hardware.