Ipinagbunyi ni Sen. JV Ejercito ang pag-apruba sa ikatlo at huling pagbasa ng Senate Bill No. 2555 ngayong Lunes, Hulyo 29, na nag-amiyenda sa kontrobersiyal na Republic Act No. 11235, na mas kilala bilang “Motorcycle Crime Prevention Act.”
“Ang ating mga riders po ang naging sandigan ng ating ekonomiya noong panahon ng pandemya. Tayo po ay nakiangkas sa kanila – literally and figuratively. Sa ganitong mabubuti at kapakipakinabang na mga gawain po natin gustong ma-associate o maalala ang motorsiklo at ating mga riders – hindi sa krimen at karahasan,” ayon kay Sen. JV.
Pumasa ang SB No. 2555 sa botong 22-0-0.
“We have sent a clear message to our people that we hear and take note of their (riders) sentiment,” pahayag ni Sen. JV, na isa sa nagpursige sa pag-amiyenda ng RA 11235 na iniakda ni dating Senador Richard Gordon noong termino ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Kabilang sa mga inamiyendahan sa RA 11235 ay ang paggamit ng RFID stickers imbes na maglagay ng metal license plate sa unahang bahagi ng motorsiklo, pagbababa ng multa sa mga lalabag nito sa P5,000 mula sa dating P100,000.
Binabaan din ang multa sa P5,000 mula sa dating P20,000 para sa mga motorcycle owners na bigong mai-report sa PNP at Land Transportation Office (LTO) ang pagkasira, pagkawala o kaya’y ninakaw na lisence plate sa loob ng itinakdang 72 oras. Tinanggal na rin ang parusang pagkakakulong ng motorcycle owner sakaling mabigong sumunod sa probisyong ito.
Pinasalamatan din ni Ejercito ang iba’t ibang motorcycle clubs na tumulog at umalalay sa pagbabalangkas ng SB No. 2555.