Labing-isang magkakamag-anak ang nasawi habang lima pa ang nasugatan sa salpukan ng isang pick-up truck at isang pampasaherong bus sa Barangay Ayaga , Abulog, Cagayan, nitong Huwebes, Hulyo 11, ng madaling araw.

Kabilang sa mga nasawi ang mag-amang sina Rodolfo Time Sr. at Rodolfo Time Jr., magkakapatid na sina Evelyn Time, at Christina Jane Time at mga kaanak na sina Mary Jane Time, Lovely Time, Chrishia Shane Time , Kimberly Mangupag-Time, Rodelyn Time at Angel Time.

Bukod sa driver, isang pasahero lamang ang nailigtas sa pick-up truck.

Batay sa ulat ng Abulog Police Station, naganap ang aksidente dakong 12:00 ng madaling araw sa national highway na sakop ng Barangay Ayaga.

Ayon kay Maj. Antonio Palattao, station commander ng Abulog Police, bukod sa nasawi, sugatan din ang limang tao kabilang ang driver ng pick-up at mga pasahero ng bus.

Aniya, galing ang pick-up na may 13 pasahero sa isang lamayan sa Flora , Apayao at pauwi na sana sa bayan ng Allacapan nang mangyari ang aksidente.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng PNP, palabas ang pick-up truck sa provincial road ng Barangay Ayaga nang bigla itong salpukin ng pampasaherong bus sa intersection ng highway.

Dahil sa lakas ng impact ng banggaan ay dumiretso ang pick-up sa isang tindahan sa gilid ng kalsada habang sumadsad naman ang bus sa pader ng isang establishimento sa lugar.

Sa ngayon, hawak na rin ng PNP ang driver ng pampasaherong bus na nakilalang si Jay-jet Andrada para sa kaukulang imbestigasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso. Patuloy ang imbestigasyon sa aksidente.

Ulat ni Baronesa Reyes

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *