Sa ginanap na press conference sa Malacanang ngayong Miyerkules, Hunyo 5, sinabi ni Department of Justice (DOJ) Assistant Secretary Jose Dominic Clavano na mahigpit ang tagubilin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan sa pagbibigay ng tulong sa mga biktima ng online child abuse sa bansa.
“Ang after-care services ay ‘yung pinaka-in-emphasize ni Pangulong Marcos kahapon dahil sabi n’ya: ‘We have to give them another chance and have a normal life,’” pahayag ni Clavano.
Dumalo rin sa press conference sina Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos at Department of Justice (DOJ) Margarita Gutierrez.
Ito ay matapos pulungin ni Marcos ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno para palakasin ang kampanya laban sa online sexual abuse or exploitation of children (OSAEC) na diumano’y laganap na hindi lamang sa Pilipinas, ngunit maging sa ibang panig ng mundo.
“Bigyan ng temporary shelters, one-stop-shop for the victims, hindi dapat sila tumagal doon. ‘Yan po ang bilin ni Presidente (Marcos). At sabi n’ya: ‘We have to bring them back to the community,’” ani Clavano.