Hinatulan ng isang New York court si dating United States President Donald Trump, noong Huwebes, Mayo 30 sa 34 counts of falsifying business records upang itago ang panunuhol para patahimikin ang porn star na si Stormy Daniels ng kanyang fixer na si Michael Cohen noong 2016.
Ang hatol, na ibinaba ng 12 miyembro ng hurado matapos ang higit 11 oras na deliberasyon sa loob ng dalawang araw, ay nag-ugat sa $130,000 na suhol kay Daniels upang itago ang sinasabing sexual encounter nila ni Trump noong 2006.
Ang panunuhol ay nangyari sa bisperas ng 2016 eleksyon at tinukoy ng mga prosekutor bilang bahagi ng mas malaking krimen upang itago ang impormasyon mula sa mga botante.
Itinakda ni New York State Supreme Court Judge Juan Merchan ang pagdinig sa pagbababa ng sintensiya para kay Trump sa Hulyo 11, apat na araw lamang bago ang Republican National Convention, kung saan inaasahang tatanggapin niya ang nominasyon ng partido upang muling magkaharap sila ni Democratic President Joe Biden sa US presidential elections sa Nobyembre 5 ngayong taon.