Nagbabala ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang publiko kasunod ng pagkakadiskubre ng mga lollipop, gummy bear at chocolate bars na hinaluan ng ‘magic mushroom’ sa isinagawang buy-bust operation sa Bacnotan, La Union kamakailan.
Sa ulat ng PDEA, isang foreigner at anim na kakutsaba nitong Pinoy ang naaresto noong Mayo 18 sa isang beach resort sa Barangay Galogen, Bacnotan, La Union kung saan nadiskubre ang mga sweet products na hinaluan ng ‘magic mushroom.’
Batay sa imbestigasyon, nagtatanim ang sindikato ng mga kabute na sinasabayan ng paggamit ng microdosing para sa panggamot upang magkaroon ng “Psilocybin,” na mahigpit na ipinagbabawal ng Dangerous Drugs Board (DDB).
Sinabi ng PDEA na ang mga naarestong suspek ay ay gumagawa ng sweet products na may sangkap na “magic mushroom” na kanilang ipinalalabas na may therapeutic benefits. Ito ay karaniwang inilalako sa social media sa tulong ng mga influencers.
Nanawagan ang ahensiya sa publiko na ipaalam sa kanilang tanggapan kapag may impormasyon hinggil sa naturang psychedelic mushroom.