Sinabi ng isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) na inirekomenda ng PNP Board of Officers kay PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil ang pagkansela at pagbawi ng lisensiya ng mga registered firearms ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy.
Ayon kay Col. Jean Fajardo, tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP), lagda na lang ni PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil ang kanilang hinihintay upang tuluyang makansela at mabawi ang lisensiya sa mga baril ni Apollo Quiboloy.
Sa ginanap na Kapihan sa Manila Bay forum ngayong Miyerkules, Abril 24, sinabi ni Fajardo na ang pinagbasehan ng PNP Board of Officers sa kanilang rekomendasyon ay ang Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act na nagbibigay karapatan sa pulisya na bawiin ang lisensiya ng baril ng isang indibidwal na nahaharap kasong may kinalaman sa heinous crime.
Sinabi ni Fajardo na naglabas na ang korte ng warrant of arrest laban kay Quiboloy kaya obligado ang PNP na bawiin ang firearms license nito matapos na lagdaan ni Marbil ang rekomendasyon ng PNP Board of Officers.