Pumalo na sa 25 katao ang bilang ng mga nasawi sa Super Typhoon ‘Egay’ at hanging Habagat habang nasa 20 naman ang nawawala.
Batay sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 12 sa mga patay ay mula sa Cordillera Administrative Region (CAR), walo sa Ilocos, tatlo sa Calabarzon at dalawa sa Western Visayas. Nanatili naman sa 52 ang sugatan at 20 ang nawawala.
Ayon pa sa NDRRMC, umabot na sa 654,837 pamilya o 2,397,336 katao ang apektado sa 4,111 barangay sa Cagayan, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol, Western Visayas, Northern Mindanao, Davao, SOCCSKSARGEN, Bangsamoro, Cordillera, at National Capital Region.
Sa nasabing bilang, 50,987 katao o 13,828 pamilya ang nasa 737 evacuation centers, habang 262,008 katao o 63,086 pamilya ang nasa labas.
Kabahayan, kabuhayan apektado
Nasa 35,855 kabahayan naman ang nasira kung saan 35,855 ang partially damaged at 1,283 ang totally damaged.
Lumobo naman sa P3,510,282,156 ang halaga ng pinsala sa imprastraktura at P1,965,320,443 sa agrikultura, dahil sa bagyo at habagat.
Nakapagtala rin ang NDRRMC ng 425 lugar na nalubog sa baha, 36 ang nabuwal na puno, 16 na landslides,16 na tornado at isang maritime incident.
Hindi rin madaanan ang 399 pangunahing kalsada at 32 tulay habang nawalan ng kuryente ang 306 lungsod at munisipalidad sa bansa.
Biyahe ng eroplano, barko, suspendido
Dahil sa sama ng panahong dulot ng super bagyo at ng habagat, 85 domestic flights ang nakansela.
Sa ngayon, nasa 145 seaports ang suspendido ang operasyon na nagresulta sa pagka-stranded ng 248 pasahero, 43 rolling cargoes, 22 vessels at 27 motorbancas.
106 lungsod at bayan, nasa State of Calamity
Dahil sa lawak ng pinsala ng Egay at Habagat, nasa 106 lungsod at munisipalidad ang isinailalim na sa State of Calamity.
Patuloy naman ang ginagawang pagtulong ng gobyerno sa mga apektado ng sama ng panahon kung saan sa pinakahuling ulat nasa P146,687,925 halaga na ang naipamahaging tulong ng gobyerno sa mga nasalanta.
Nangako rin si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tutulungan ang mga biktima ng Egay, partikular na ang mga magsasakang naapektuhan ang mga pananim bunsod ng matinding pagbaha.
—Baronesa Reyes