Binaliktad ng Court of Appeals ang unang inilabas na desisyon ng Ombudsman sa pagpapatalsik kay Cesar Chiong bilang Manila International Airport Authority (MIAA) general manager at assistant manager nito na si Irene Montalbo bunsod ng reassignment ng mahigit 200 airport employees.
Sa 13-pahinang desisyon na may petsang Marso 21, kinatigan ng CA 13th division ang petition for review na inihain nina Cesar Chiong at Irene Montalbo na kumukuwestiyon sa inilabas na dismissal order ng Office of the Ombudsman laban sa kanila noong Agosto 2023.
Sa inilabas na desisyon, sinegundahan ng Apellate Court ang mga petitioner na nagsabing ang Civil Service Commission (CSC), at hindi ang Ombudsman, ang may kapangyarihang i-reassign ang mga kawani ng gobyerno.
“Perusal of the records shows that there was neither a definitive ruling from the CSC that the reassignment was invalid, nor at least a referral of the case to the CSC for such prior determination,” ayon sa CA.
Sinabi rin ng CA na kulang sa merito ang desisyon ng Ombudsman para sibakin sina Chiong at Montalbo base sa reklamong grave abuse of authority sa pagre-reassign ng mahigit 200 empleyado ng MIAA.