Pumangalawa ang beauty queen-fashion influencer na si Pia Wurtzbach sa may pinakamataas na Media Impact Values (MIV) sa Milan Fashion Week Fall/Winter 2024 nitong Pebrero, sa naitalang $5.4 million (P303.5 milyon) halaga ng MIV, iniulat ng fashion trade journal na Women’s Wear Daily.
Ang Media Impact Value (MIV) ay isang algorithm na inilikha ng influence analytics company na Launchmetrics, na sumusuri sa “quantitative and qualitative data…that measure the impact of brand placements and mentions across different communication channels in the fashion, luxury, and beauty industry.”
Pumangalawa si Pia Wurtzbach sa South Korean boy group na NCT, na may pinakamataas na MIV, nagkakahalaga ng $6.2 million (P348 milyon) sa Milan Fashion Week 2024, na idinaos noong Pebrero 20-26.
Pangatlo sa listahan, kasunod ni Pia, ang kapwa niya Pinay, ang actress-socialite na si Heart Evangelista, na may $3.6 million (P202.3 milyon) halaga ng MIV, kasunod ang Japanese group na Niziu at ang South Korean singer na si Joy na kapwa nakapagtala ng $1.9 million (P106.8 milyon) na MIV.
Sa isang hiwalay na listahang inilathala ng influencer marketing platform na Lefty.io, pang-anim naman si Pia sa ‘Most Visible Influencer’ list nito, kahilera ang Hollywood A-lister na si Anne Hathaway. Nakapagtala ang ikatlong Pinay Miss Universe ng Earned Media Value (EMV) na $2.95 million (P166.9 milyon).