Hinamon ni Deputy Minority Leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro ang Office of the Ombudsman na isapubliko ang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa relasyon nito kay Apollo Quiboloy na inaakusahan din ng money laundering.
“Ilang bilyong confidential funds at intelligence funds ang dumaan sa kanya pero ni wala naman itong matinong accounting, tapos ngayon ay siya pa ang hahawak ng assets ni Quiboloy. Di tuloy natin masisi ang ating mga kababayan na isipin na may money laundering arrangement ang dalawa,” sabi ni Castro.
“Sa esensya, si Duterte ay katulong sa pagkukubli na mapanagot ang isang taong hinahanap ng batas, at ang mga kaso ng taong ito sa US maging dito sa bansa ay di basta-basta,” sabi ni Castro.
Sinabi rin ng Makabayan bloc member na kabilang sa mga kasong kinahaharap ni Quiboloy, na sinasabing ‘BFF (best friend forever)’ ni Duterte, ay conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud and coercion and sex trafficking of children; sex trafficking by force, fraud and coercion; at conspiracy.
Kinasuhan din si Quiboloy ng bulk cash smuggling kaya inipit ang assets niya ng US Treasury Dept simula pa noong Disyembre 2022 dahil sa mga paglabag nito diumano sa karapatang pantao at pangaabuso sa mga kababaihan, at iba pang uri ng pananakit sa mga miyembro ng Kingdom of Jesus Christ, ani Castro.
“Whether mag take effect o matuloy man yung pagiging property caretaker niya o hindi, kaduda-duda pa rin na pinagkatiwalaan siya ni Quiboloy. at mas lalong dapat bantayan yung posibilidad na ituloy on the claim na “inability” ni Quiboloy,” giit ni Castro.