Sinuportahan ni Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte nitong Lunes, Marso 11, ang panawagan ni Pastor Apollo Quiboloy na bigyan siya ng due process habang siya’y nahaharap sa imbestigasyon sa kongreso kaugnay ng alegasyon ng sexual abuse at paglabag sa prangkisa ng Sonshine Media Network Inc. (SMNI).
“Hindi biro ang mga pangyayari at paratang na ganito. Nararapat lamang na mabigyan ng patas na laban at sa tamang korte. Lagi po tayong manalangin para sa hustisya at katotohanan. Justice and the truth cannot be achieved in trial by publicity, but by a day in court,” sabi ni Vice President Sara Duterte.
Sa isang video na ipinost sa website ng SMNI, sinabi ni Duterte na pumanig siya sa panawagan ni Quiboloy para sa hustisya sa gitna ng iba’t ibang akusasyon na umaatake sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder.
Pinuna din ni Duterte bilang paglabag sa malayang pamamahayag ang desisyon ng National Telecommunications Commission (NTC) na suspindihin ang SMNI dahil sa diumano’y mga paglabag sa prangkisa.
Si Quiboloy ay nahaharap sa pag-aresto matapos tumangging humarap sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na pinamumunuan ni Sen. Risa Hontiveros.