Pansamantalang isasara sa mga motorista ang ilang bahagi ng Manila-Batangas Bypass Road na sakop ang Sto. Torribio, Marawoy hanggang Inosluban sa Lipa City simula alas-8 ng umaga ngayong Martes, Marso 12 hanggang Marso 16.
Sinabi ng Lipa City Traffic Management Division (TMD) ang temporary closure ng Manila-Batangas Bypass Road ay dahil sa kanilang ilalatag na security measures para sa isang malaking event na gaganapin sa siyudad sa mga susunod na araw kung saan tutulong ang Bureau of Fire Protection (BFP) at Philippine National Police (PNP).
Inaasahang mahigit 500,000 katao ang lalahok sa event.
Tiniyak naman ng Lipa City government na magdaragdag ng 30 traffic personnel sa lugar upang tumulong sa pagsasaayos ng daloy ng mga sasakyan.
Pinayuhan ng traffic authorities ang mga motoristang magtutungo sa Lipa City mula Maynila na dumaan sa Leviste Drive patungo sa Balete Exit.
Samantala, ang mga magtutungo sa Barangay Inosluban ay maaaring dumaan sa Balete Exit patungo sa Leviste Drive bago kumaliwa sa Barangay Marawoy.