Sinabi ni Ako Bicol party-list Rep. Raul Angelo ‘Jil’ Bongalon na may nakikita siyang senyales na ang pag-post sa social media ng mga larawan ng iba’t ibang peste na gumagala sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong mga nakaraang araw ay bahagi ng concerted effort upang ipahiya sa mundo ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
“Posible po ba na maging destabilization ito laban sa present government? Posible po. That is my take,” sabi ni Ako Bicol party-list Rep. Raul Angelo ‘Jil’ Bongalon.
Kundi agad na masosolusyunan ang isyu sa mga peste sa NAIA, maaari rin, aniya, na sumabog ito tulad ng kontrobersiya ng ‘tanim-bala’ modus na kung saan tinataniman ng bala ang bagahe ng mga pasahero upang kotongan ng mga tiwaling airport security personnel.
“Napaka-unusual lang po ano. Kasi una, surot. Ngayon daga na naman. Eh hindi na po natin dapat hintayin na dumating pa sa punto na yung tanim-bala ay bumalik na naman,” ani Bongalon.
“Ito po ay kailangang tugunan ng management or mga opisyales ng NAIA and probably they can issue a certification that the airports are now pest-free. Because, again, this will put the administration in a bad light na alam natin ang airport ay gateway papunta sa ibat-ibang bansa,” giit niya.