Binuweltahan ni dating Magdalo party-list congressman Gary Alejano si dating Pangulo Rodrigo Duterte na nagsabing pinabayaan ng mga lider ng bansa ang Mindanao sa mahabang panahon kaya nananawagan ito na ihiwalay na ang rehiyon sa Pilipinas.
“Naka-6 years na si Duterte as president of the country, tapos sabihin niya dami ng presidente ang nagdaan walang nangyari sa Mindanao? Ilang bilyon ba ang naallocate sa distrito ni Pulong na anak niya? Ilang bilyon ba ang naallocate ni Bong Go sa Mindanao as senator?” tanong ni former Magdalo party-list Rep. Gary Alejano.
“’Kawawa ang Mindanao.’ Eto ang naririnig natin kay Duterte mula noong nagkakampanya pa siya before the 2016 Elections at ngayon bilang dating pangulo. He used and is still using the regionalism issue para galitin ang taga-Mindanao at para isulong ang kanyang interes,” sabi ni Alejano, na dating namuno sa military rebellion laban sa administrasyon ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Congresswoman Gloria Macapagal Arroyo.
Noong termino ni Duterte, sinabi rin ni Alejano na dalawang Senate president ang nasa poder, kabilang si Sen. Juan Miguel “Migz” Zubiri na nakapuwesto pa rin hanggang sa kasalukuyan.
“We also had speaker of the House from Mindanao in the person of Bebot Alvarez. ‘Di pa ba sapat na opportunity ito for Mindanao?” tanong ni Alejano.
“Magaling siya (Rodrigo Duterte) dito, sa propaganda kaya huwag basta maniniwala,” ayon sa Magdalo leader.