Sa pagdinig na isinagawa ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, kasama Committee on Games and Amusement, at Labor, Employment and Human Resources Development, inungkat ni Sen. Raffy Tulfo ang diumano’y pangaabuso ng ilang security agencies sa mga tauhan nito na karamihan ay naghuhuramentado habang naka-duty.
“Kayo ba nakarinig na ng security guard na nagtatrabaho ng 20 hours a day, straight? Walang day-off? At ang bayad below minimum (wage). Sino ang hindi maghuhuramentado?,” tanong ni Sen. Raffy Tulfo.
“Marami sa mga security guard natin, nawawala, naghuhuramentado. Alam n’yo yun, overworked,” ani Tulfo.
“Pagod na pagod paguwi ng bahay, tapos dadakdakan ni misis. Akala siguro nambababae o nambulsa ng suweldo,” dagdag ng senador.
Ani Tulfo, karamihang mga sekyu ay inaabuso ng mga fly-by-night security agencies na hindi umano namo-monitor ng Philippine National Police (PNP) Supervisory Office for Security and Investigation (SOSIA) o sadyang pinababayaan dahil malakas maglagay sa SOSIA.