Sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magsisilbing inspirasyon ang kabayanihan ng 44 na miyembro ng PNP Special Action Force na namatay sa pagkikpagbakbakan sa malaking puwersa ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Mamasapano, Maguindanao siyam na taon na ang nakararaan.
“We would also be disrespecting their memory if we give quarters to those who terrorize our people. We would be devaluing their valor if we cede our territory to those who would trespass upon it,” pahayag ni Marcos sa paggunita ng National Day of Remembrance para sa SAF 44 na ginanap sa Camp Gen. Mariano Castañeda sa Silang, Cavite, ngayong Huwebes, Enero 25.
Napatay ang 44 na miyembro ng SAF sa engkuwentro sa MILF matapos nilang mapatay ang wanted na terorista na si Zulkifli Bin Hir, alyas Marwan, sa pinagtataguan nito sa isang liblib na lugar sa Mamasapano.
At habang pabalik na ang SAF members sa kanilang kampo bitbit ang pinutol na daliri ni Marwan bilang patunay na ito ay patay na, sila ay tinambangan ng sangkaterbang MILF rebels na nakakubli sa taniman ng mais sa Barangay Tukanalipao.
Sinisi ng iba’t ibang sektor ang palpak na pagkakaplano ng operasyon na inaprubahan ng noo’y Pangulong Benigno Simeon Aquino III, kabilang ang matagal na pagdating ng government reinforcements na sana’y tutulong sa naipit na SAF members na napaligiran ng MILF rebels.
Binatikos din ang partisipasyon ng noo’y PNP chief Director General Alan Purisima sa operasyon para i-neutralize si Marwan bagamat ito ay suspendido sa mga panahong iyon dahil sa kaso ng katiwalian.
“Although fighting machines they were, they were not apostles of permanent war. They were warriors for peace who wanted to see the day when swords were pounded into plowshares,” giit ni Marcos.
Anang Commander-in-chief, sariwa pa rin ang alaala ng pakikipaglaban ng SAF 44 sa malaking puwersa ng MILF rebels na hindi nila inatrasan hanggang sa kamatayan.
“Let our reverence for these men be always accompanied by a deeper reflection, so we too can summon the fight in ourselves to build a better future for our nation,” ani Marcos.
Kabilang sa mga ayudang natanggap ng mga naiwang pamilya ng SAF 44 ay P12.3 million housing assistance; P26.24 million educational assistance; at livelihood assistance na aabot sa P16.33 milyon.
Noong Pebrero 21, 2017, nilagdaan ng noo’y Pangulong Rodrigo Duterte ang Proclamation No. 164, na nagdedeklara sa Enero 25 ng bawat taon bilang “Day of National Remembrance for the SAF 44.”