Bagamat nakapagbayad na ang Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) sa ilang obligasyon nito, hindi pa rin umano nababayaran ng ahensya ang matagal na pagkakautang nito sa mga pribadong ospital mula 2014 hanggang 2020 na aabot na sa P27 bilyon.
Ito ang sinabi ni Dr. Jose Rene de Grano, president ng Private Hospitals Association of the Philippines (PHAA). Ayon kay De Grano, umaasa silang mababayaran sila ng Philhealth bago mag-Bagong Taon.
“Yun nga pong hinihintay pa namin kasi sinasabi nila na dapat halos bayad na lahat doon sa mga pagkakautang nila ngayong katapusan ng taon, eh parang medyo nade-delay pa rin,” saad ni De Grano.
Tugon ng Philhealth, naibigay na umano ang 70 porsiyento sa kanilang pagkakautang sa mga pribadong hospital pero ayon kay De Grano. wala naman aniyang resibo o ano mang pruweba na natanggap na ito ng kanilang miyembro.
“Ang sabi nila ay around 70 porsiyento daw eh naipamigay na nila sa amin pero actually, sa totoo lang wala kaming pruweba na na-received na po namin. Nasaan ba yung binigay ninyo? Kung talagang natanggap namin yan mag-iisyu kami ng resibo. Hanggang ngayon wala namin kaming natatanggap,” dagdag ni De Grano.