Ipinagtataka ni Sen. Imee Marcos kung bakit tila kating-kati ang ilang mga mambabatas na isulong ang charter change, na mas kilala bilang “cha-cha,” sa kabila ng pagkontra dito ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at ilang mga senador.
“Ang kulit naman! Talagang sinabi na ni PBBM na hindi napapanahon (ang cha-cha) kasi dapat nakatutok tayo sa hanapbuhay ng tao,” pahayag ni Marcos sa programang 24-Oras ng GMA News noong Martes, Disyembre 13, ng gabi.
Ipinagtataka ni Sen. Imee kung bakit isinusulong pa rin ng Kamara de Representantes na pinamumunuan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang cha-cha sa kabila ng matinding mga problemang kinahaharap ng bayan.
“Dalawang beses na niyang (PBBM) ibinasura ‘yan. Pati ng Senado…todo-todo! Bakit ba ipinagpipilitan?” tanong ng senador.
“Baka meron gustong mag-prime minister na hindi mananalong presidente,” hirit pa ni Sen. Imee sa media interview.