Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang turn over ceremonies para sa P776 milyong halaga ng excavators sa Subic Bay Freeport Zone bilang bahagi ng pahahanda ng gobyerno sa matinding epekto ng El Nino phenomenon na mararanasan ng bansa sa susunod na taon.
“At this has become a particularly urgent subject in the face of what is being forecast as an El Niño season at least for the first quarter of 2024,” ayon kay Marcos.
Pinaalalahanan ni Marcos ang Department of Agriculture (DA) at National Irrigation Administration (NIA) na madaliin ang pagkukumpuni ng mga irigasyon at iba pang mahahalagang imprastraktura para magamit ng mga komunidad na malubhang maapektuhan ng matinding tagtuyot.
“Kaya’t lahat po ng aming kayang gawin bago pa maubos ang ating mga water supply ay ginagawa na namin upang pagka tumagal pa ang El Niño ay mayroon tayo — nakahanda naman tayo na kahit papaano mayroon tayong patubig, mayroon tayong tubig para sa mga malalaking lungsod, mayroon tayong patubig para sa industriya at lalong-lalo na — ang pinakamahalaga sa lahat niyan ay ang patubig para sa agrikultura,” ayon sa Punong Ehekutibo.
Inatasan ni Marcos ang DA at NIA na alamin ang mga pangunahing pangangailangan ng mga magsasaka na may kaugnayan sa irigasyon dahil sa pinangangambahang water shortage.
“So, that is going to be an important part of this effort because we have the first priority when we hear that there is a drought coming is to ensure our food supply and to ensure our food supply, our irrigation systems must be functional,” giit ni Marcos.
Ikinakasa rin ng gobyerno ang posibilidad ng pagsasagawa ng cloud seeding operations upang makapaglikha ng ulan para magdagdagan ng tubig ang mga sakahan, ayon sa Pangulo.