Inaprubahan na ng bicameral conference committee ngayong Lunes, Disyembre 11, ang final version ng panukalang batas na naglalaman ng P5.768-trillion national budget para sa 2024.
Ayon kay Senate Finance Committee chairman Senator Sonny Angara na walang ilalaan na confidential at intelligence funds (CIF) sa mga non-security agencies ng gobyerno sa consolidated version ng 2024 General Appropriations Bill (GAB) at sa halip, ibubuhos na lamang ang CIF sa mga ahensiya ng pamahalaan na may kinalaman sa pangangalaga ng soberenya ng bansa.
Sa kabuuang iniwang budget, sinabi ni Angara na mayroong hindi bababa sa P9 bilyon o 0.02 porsiyento na itinalaga para sa CIF sa taong 2024.
“I think, in light of world events, ‘yung ‘di ba may gera sa Europa? May gera sa Middle East? Hindi naman sa gusto nating magka-gera dito pero gusto natin na handa tayo,” saad ni Angara. “I think that’s been going on for quite some time. So that’s just one reason to help or defense forces.”
Dahil dito, sinabi ni Angara na tinaasan ng bicameral conference committee ng P2 bilyon ang budget ng Philippine Coast Guard.
Habang ang panukalang 2024 budget ay nagbigay-halaga sa depensa ng bansa, sinabi ni Angara na ang badyet para sa edukasyon, kalusugan at tulong sa mga Pilipino ay higit na pinondohan sa ilalim ng GAB.