Matapos ang ilang taong pananahimik, muling lumantad ang dating pangulo ng Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) na si George San Mateo upang suportahan ang kanyang mga kabaro sa public transport sector na nagsasagawa ng tigil-pasada bilang protesta sa kontrobersiyal na public utility vehicle (PUV) modernization program.
Sa eksklusibong panayam ng Pilipinas Today ngayong Miyerkules November 22, sinabi ni San Mateo, president emeritus ng PISTON, ang mga pangunahing dahilan kung bakit nila sinasalungat ang PUV modernization program ng Department of Transportation (DOTr).
“Nakikita natin itong jeepney industry, ang direksyon ng Omnibus Franchising Guidelines, ay ibigay sa kamay ng mga malalaking negosyante,” paliwanag ng 57-anyos na beterano ng mga transport strike.
Ayon kay San Mateo, malinaw daw na malulubog lang sa utang ang mga miyembro ng kooperatiba na hahawak ng mga bagong prangkisa na ipagkakaloob ng gobyerno dahil sa laki ng utang na babayaran ng mga ito, gaya ng nangyayari ngayon sa mga naunang jeepney operators na sumama sa franchise consolidation.
Kuwento pa ni San Mateo, taong 2017 pa sila nagsumite sa DOTr ng position paper upang pormal na tutulan ang PUV modernization program pero lagi raw “pag-aaralan namin” ang sagot sa kanila ng kagawaran.
Paliwanag pa ni San Mateo sa mga commuters na apektado ng ilang araw na tigil-pasada ng kanyang grupo, hindi raw bigla-bigla ang desisyon ng mga tsuper na magkasa ng strike, kundi “last resort” na nila matapos ang “katakut-takot” na dayalogo sa gobyerno at paulit-ulit na kilos-protesta dahil “hindi na nakikinig ‘yung gobyerno sa amin.”
“Sa halip na bigyan n’yo kami ng sympathy, binubudol n’yo pa kami!” giit niya.
Pinabulaanan din niya ang hirit ng gobyerno na hindi ipe-phase out ang mga tinaguriang “Hari ng Kalsada.”
“’Yung katawagang jeepney ang hindi nila ipe-phaseout, ‘yung bansag na jeepney. Kasi ang tawag nila dun sa mga minibus, modern jeepney. Pero ‘yung mga unit, ‘yung mga aktuwal na traditional units, mga traditional jeepney, aalisin nila. So, phaseout po ‘yun! Malinaw po na phaseout ‘yun,” paliwanag ni San Mateo.
Sa huli, umapela si San Mateo ng pang-unawa sa mga pasahero na apektado ng serye ng transport strike, na nagsimula nitong Lunes, Nobyembre 20.