Nahaharap sa disqualification complaint si Jeanly ‘JLin’ Lin—kandidato para SK Chairwoman ng Brgy. San Bartolome sa Quezon City at anak ng dating nasangkot sa Pharmally scandal na si Rose Lin—dahil sa umano’y pagiging Chinese national.
Sa disqualification complaint na inihain ng residente ng Barangay San Bartolome, Novaliches na si Andrea Lazaro, sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec)-Quezon City, sinabi niyang hindi umano totoong Filipino citizen si Jeanly ‘JLin’ Lin, na kandidatong Sangguniang Kabataan chairwoman.
Sa report ng Daily Tribune nitong Oktubre 20, binigyang-diin ni Lazaro sa kanyang 11-page complaint na isang Chinese national si Lin, na limitado raw ang kaalaman sa Filipino language at umaasa lang umano sa mga interpreters habang napapaligiran ng mga bodyguards sa pangangampanya sa Brgy. San Bartolome.
Sa Certificate of Candidacy na inihain ni Lin, nakasaad na siya ay isang Filipino citizen, ayon pa rin sa Daily Tribune report.
Si Lin ay anak ni Rose Lin, ang executive ng Pharmally Biologicals Incorporated na inimbestigahan ng Senado noong 2022 sa pagkakasangkot umano sa kuwestiyonable at bilyun-bilyong pisong halaga ng government supply contract noong pandemya.
Makalipas ang tatlong araw, nitong Oktubre 23 ay humarap si Lazaro sa isang presscon para magreklamo ng identity theft, sinabing may gumamit daw sa kanyang pagkakakilanlan upang makapaghain ng diskuwalipikasyon laban kay Lin, iniulat ng Manila Bulletin.
Sa parehong presscon, sinabi ni Lazaro na maghahain siya ng affidavit sa Comelec upang i-discredit ang nasabing disqualification case laban kay Lin na nakapangalan sa kanya.
Photo courtesy by Mark Balmores, MB