Nakataas sa heightened alert ang puwersa ng Philippine National Police (PNP) upang palakasin ang pagbibigay seguridad sa publiko para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Election hanggang sa Undas.
Mahigit sa 187,000 pulis din ang ikakalat sa buong bansa para tiyakin ang kaligtasan ng mga kandidato at publiko sa panimula ng campaign period ngayong Lunes, Oktubre 19, para sa BSKE 2023.
Sinabi ni PNP Public Information Office chief Col. Jean Fajardo, ang nasabing bilang ay para sa 10 araw na pangangampanya.
Ang campaign period ay magwawakas sa Oktubre 28.
Kinumpirma rin ni Fajardo na heightened alert na rin ang PNP para matiyak na ligtas ang pangangampanya ng mga kandidato at maging ang publiko.
Mananatili ang mataas na security alert hanggang mismong halalan sa Oktubre 30 gayundin sa mga susunod na araw para naman sa Undas.
Nagpaalala naman si PNP chief Gen. Benjamin Acorda Jr. sa mga tauhan nito na panatiliing non-partisan o apolitical ang organisasyon, na ibig sabihin ay walang kikilingan kundi magbabantay lamang ng seguridad ng lahat.
Ulat ni Baronesa Reyes