Tatalakayin sa pagbisita ngayong linggo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Saudi Arabia ang pagsasaayos ng hindi pa nababayarang sahod ng mga dating Overseas Filipino Workers (OFWs) sa bansa.
Ito ang tiniyak ni Department of Foreign Affairs (DFA) Office of ASEAN Affairs Assistant Secretary Daniel Espiritu.
Aniya, isa ito sa mga agenda sa pagbisita ni Marcos sa nasabing bansa subalit hindi pa siya makakapagbigay ng detalye hinggil dito .
“I can’t give the details yet because these things are still under discussion. But it will be part of the bilateral meeting between Saudi Arabia and the Philippines,” pahayag ni Espiritu.
Matatandaan na noong November 2022, nangako ang Kingdom of Saudi Arabia na maglalaan ng 2-billion riyals para sa hindi nabayarang suweldo ng may 10,000 OFWs na nagtrabaho sa mga naluging construction companies mula 2015 hanggang 2016. Kabilang sa mga kumpanyang ito ang Saudi Oger, MMG at Bin Laden Group.
Una nang inihayag ng namayapang Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan Ople na may pangako ang Saudi Labor Secretary na reresolbahin ang isyu at babayaran ang mga natitirang suweldo ng mga OFWs.
Bukod dito, sinabi ni Espiritu na posible ring talakayin sa bilateral meeting ang kalagayan at proteksiyon ng mga migrant workers at iba pang labor issues sa bansa.
Si PBBM ay nakatakdang bumisita sa Saudi Arabia mula October 19 hanggang 20 upang dumalo sa 2023 ASEAN Gulf Cooperation Council Summit.
Ulat ni Baronesa Reyes