Inihain ni Albay Congressman at Liberal Party President Edcel Lagman ang House Bill No. 9405 na nagdedeklara sa Pebrero 25 ng bawat taon bilang regular non-working holiday matapos ito tanggalin ng Malacanang sa listahan ng mga holidays sa 2024.
“The inordinate arrogance of the second Marcos administration in failing to celebrate February 25 as a regular public holiday is a continuing distortion of the verities about the evils and repression of the Marcos martial era,” ani Lagman sa kanyang inihaing panukala.
Nakasaad sa dokumento na binibigyan ng importansiya sa paggunita ng EDSA People Power Revolution ang pagpapatalsik sa yumaong Pangulong Ferdinand Edralin Marcos Sr., ang ama ng kasalukuyang presidente na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“The more Marcos Jr. would sweep under the rug of historical perfidy the profligacy and oppression of his father’s dictatorship, the more unreachable reconciliation and justice will be,” giit ng beteranong mambabatas.
Unang sinabi ni Pangulong Bongbong Marcos na hindi nito ideneklarang special non-working holiday ang Pebrero 25, 2024 dahil ito ay pumapatak sa araw ng Linggo na, aniya’y. dapat na “rest day” para sa mga obrero at empleyado.
Nakasaad din sa HB No. 9405 ang pagbuhay ng EDSA Commission na siyang nagpaplano at nagpapatupad ng mga aktibidad sa pagunita ng EDSA People Power Revolution anniversary tuwing ika-25 ng Pebrero.