Naghain ng kasong graft ang ilang grupo laban kay dating Pangulo at ngayo’y Pampanga 2nd District Rep. Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa maling paggamit diumano sa ₱38.807 bilyong Malampaya Fund.
Ayon kina National Association of Electricity Consumers for Reforms, Inc. (NASECORE) President Pete Ilagan at Boses Ng Konsyumer Alliance, Inc. (BKAI) President Roger Reyes, ibinatay nila ang kanilang reklamo laban kay Arroyo sa 2017 Commission on Audit (COA) na nagdedetalye kung paano ginamit ang naturang pondo.
Batay sa naturang report, sinasabing nakatanggap ang national government ng ₱173.280 bilyong royalty mula sa operasyon ng Malampaya oil and gas wells mula Enero 2022 hanggang Hunyo 2013, kung saan sinabi ng COA na hindi wasto ang naging paglalabas o paggastos sa ₱38.807 bilyon at hindi rin ito sumunod sa umiiral na batas hinggil sa tama at maayos na paghawak ng pondo ng gobyerno.
Ayon sa reklamo, inabuso umano ng dating Pangulo ang “presidential discretion” nito, alinsunod sa Presidential Decree No. 910, pagdating sa paglalabas ng pondo na nakuha mula sa Malampaya.
Anila, dapat lamang gamitin ang pondong makukuha sa gas extraction sa mga proyektong may kinalaman sa “exploration, exploitation and development of indigenous energy resources” na mahalaga sa pagpapaunlad ng sektor ng enerhiya sa bansa.
Napunta kasi ang pondo sa “Pantawid Pasada Program” at iba pang proyektong may kinalaman sa transportasyon, agrikultura, kalamidad, relokasyon, imprastruktura, rehabilitasyon at pagpapabuti sa pambansang seguridad.
Ayon pa sa grupo, ang mga naturang programa ay walang kinalaman sa pagkakaroon ng bansa ng energy independence at pambansang kaunlaran.
Hinamon ng grupo si Ombudsman Samuel Martires na kasuhan ng graft at malversation of public funds ang kasalukuyang kongresista ng ikalawang distrito ng Pampanga.