Pormal na nilagdaan nina Department of Justice (DOJ) Secretary Crispin Remulla at Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia ang isang memorandum of agreement sa pagtataguyod ng “Kontra Bigay” campaign kaugnay sa gaganaping Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Ayon kay Remulla, saklaw ng memorandum of agreement ay ang pagtatatag ng legal assistance centers para sa mga nais maghain ng reklamo na may kaugnay sa mga dayaan sa eleksiyon.
“Ang ating layunin ay simpleng-simple- Labanan ang malawakang problema sa vote-buying at vote-selling na sumisira sa integridad ng ating electoral process,” giit ni Remulla sa signing ceremonies na ginanap sa DOJ office sa Manila.
“Titiyakin natin na ang lahat ng election violators ay haharap sa batas,” aniya.
Sinabi pa ni Remulla na makakatim ang mga lalabag sa election laws ng pinagsanib na investigatorial powers ng Comelec at prosecutorial powers ng DOJ.
Nanawagan din si Remulla sa mga mamamayan na huwag magatubiling isuplong sa awtordidad ang mga sangkot sa vote-buying at vote-selling sa halalan.
Naniniwala naman si Garcia na malaki ang posibilidad na maguumpisa ang vote-buying at vote-selling activities 10 araw bago ang araw ng botohan para sa BSKE sa Oktubre 30 kaya puspusan ang isinasagawang paghahanda ng gobyerno para sugpuin ang ganitong klase ng election offense.