Umabot na sa 22 ang bilang ng kaso ng suspected election-related violence ang naitala ng Philippine National Police (PNP).
Ayon kay PNP spokesperson P/Col. Jean Fajardo, as of 8:00 am nitong Lunes, nakapagtala ang PNP ng 22 insidente ng kaguluhan na posibleng may kinalaman sa gaganaping Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Sa nasabing bilang, 11 ang validated na non-election-related incidents, at dalawa ang election-related incidents.
“As of 8 a.m. today ay nakapagtala na po tayo ng 22 suspected election-related incidents. Eleven po diyan ay validated na po na non-election-related incidents. Dalawa po diyan ay validated na election-related incidents,” pahayag ni Fajardo.
Kabilang sa 11 validated non-election related incidents ang napaulat na kaso sa Central Luzon, Bicol, Eastern Visayas, Zamboanga, Soccsksargen at Caraga.
Ang dalawang validated na election-related incidents naman ay mga kasong mula sa Bicol at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ang natitirang siyam na kaso aniya ay patuloy pang iniimbestigahan upang matiyak kung anong kategorya sila nabibilang.
Kaugnay nito, sinabi ni Fajardo na dalawang opisyal ng barangay na rin ang nabigyan ng security mula sa Police Security and Protection Group (PSPG) dahil sa pagkakaroon ng banta sa kanilang buhay.
Umabot narin aniya sa 474 katao ang lumabag sa election gun ban at naaresto habang nasa 286 armas na ang nakukumpiska ng PNP.
Ang araw ng botohan para sa BSKE ay gaganapin sa Oktubre 30, 2023.
Ang gun ban naman ay nagsimula noong August 28, kasabay ng pagsisimula ng election period para sa BSKE 2023.
Ulat ni Baronesa Reyes