Tila isang “tech battle” ang nagaganap ngayon sa mundo ng social media sa pagitan ng X (dating microsite na Twitter) ni Elon Musk at Threads ng Meta ni Mark Zuckerberg matapos na ilabas ng huli ang web version ng Threads.
Ayon sa mga tech experts, maaaring itaob ng Threads ang X dahil sa nakikitang potensiyal nitong na maging “magnet” sa hanay ng celebrities at professionals matapos maobserbahan na mas madalas na mag-post ang mga ito gamit ang kanilang laptop o desktop computer tuwing office hours.
“Threads.net is now live for everyone. Let us know what you think,” pag-anunsiyo ni Instagram at Threads head Adam Mosseri sa kaniyang Instagram post.
Matatandaang nagbago ng anyo ang Twitter nang gawin itong “X” ang official brand logo ng multi-billionaire na si Elon. Ang “X” ay nananatiling isa sa pinaka papular na social media platform pagdating sa paglalabas ng komento at mabilis na pagpapaskil ng mga balita.
Subalit sa pag-analisa ng mga techie, ang gulong nangyayari ngayon sa X ay nakaaapekto sa estado ng microblogging site, kung kaya maraming gumagamit nito ang gusto nang lumipat sa ibang platform.
Sa kabilang banda, sa unang sabak ng Threads, tinalo ng bago Meta app ang ChatGPT, ang A.I. research, writing at image-generation tool, sa dami ng nag-download.
Sa kasamaang-palad, hindi rin nagtagal ang pagkasabik ng users kaya humiling ng web version ng app.
Samantala, hindi pa magagamit ang Threads web application sa Europa dahil hindi alam ng parent company nitong Meta ang pasikut-sikot sa Data Privacy Act ng European Union. #