Hindi bababa sa 30 katao na naiulat na nawawala matapos ang insidente ng landslide sa pinakamalaking minahan sa Myanmar nitong Linggo, Agosto 13.
Ayon sa ulat ng Associated Press, naganap ang insidente sa Hpakant, isang malayong lugar sa Kachin mga 950 kilometro hilaga ng Yangon na itinuturing na pinakamalaking lungsod ng Myanmar.
Ang Hpakant ay sentro ng pinakamalaking mining operations ng jade sa mundo.
Ayon sa ulat, naglunsad na ng search and rescue operation para sa mga nawawalang biktima.
Mahigit 30 minero na naghuhukay ng jade ang natangay sa lawa nang tumama ang landslide malapit sa Manna village bandang 3:30 p.m. nitong Linggo. Ayon sa mga saksi, gumuho ang lupa mula sa taas na 300 metro pababa sa bangin hanggang umabot ito sa lawa kung saan nakapuwesto ang mga minero.
Karamihan sa mga nawawalang biktima ay kalalakihan.
Noong Hulyo 2020, hindi bababa sa 162 katao ang namatay sa isang landslide sa naturang lugar, habang ang isang aksidente noong Nobyembre 2015 ay nag-iwan ng 113 na patay.
Ang mga minahan ay isa ring pangunahing pinagkukunan ng kita para sa Kachin Independence Army, isang etnikong armadong grupo na nakabase sa estado ng Kachin at ilang dekada nang lumalaban laban sa sentral na pamahalaan para sa higit na awtonomiya.