“‘Yung impeachment, constitutional violation ang pinag-uusapan dito. Saka violation of law, betrayal of public trust, high crimes. So parang impossible naman na ito pa yung maging cover para makatakas yung mga tao na nagtatago sa batas,” sabi ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua.
Hindi maaaring itago nina Vice President Sara Duterte at asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio ang kanilang income tax returns (ITRs) sa likod ng mga legal technicality, kaugnay ng nagpapatuloy na impeachment proceedings, ayon kay Manila 3rd District Rep. Joel Chua.
Bilang Chairperson ng House Committee on Good Government and Public Accountability, nilinaw ni Rep. Chua na ang desisyon ng House Committee on Justice na panatilihing hindi nakabukas ang box of tax records ng mag-asawa na nagmula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) ay hakbang lamang ng pag-iingat, at hindi nangangahulugang wala silang kapangyarihang buksan ito.
Giit niya pa, alinsunod sa kapangyarihan ng Kamara sa ilalim ng Konstitusyon, valid ang pagsusuri sa mga ITR para sa impeachment at hindi dapat gamiting proteksyon ang mga prosesong legal upang matakasan ang accountability sa gitna ng mga alegasyon ng unexplained wealth.
