Nakatakdang isagawa ng House Committee on Justice sa Miyerkules, Abril 29, ang huling impeachment hearing laban kay Vice President Sara Duterte kung saan magiging sentro ng pagdinig ang pagbabanta ng Bise Presidente sa buhay nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at noo’y House Speaker Martin Romualdez noong 2024.

Inimbitahan sa pagdinig ang National Bureau of Investigation (NBI), sa pangunguna ni Director Melvin Matibag, upang ilahad ang resulta ng kanilang imbestigasyon kaugnay ng naturang pagbabanta ni Vice President Sara Duterte.

Nag-ugat ang alegasyon sa isang virtual press conference noong Nobyembre 2024 kung saan sinabi ni VP Sara na may kinausap siyang papatay kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at noo’y House Speaker Martin Romualdez.

Nitong Lunes, Abril 27, sinabi ni Matibag na batay sa paunang imbestigasyon ng NBI, hindi lamang “metaphor” o “hyperbole” ang naturang pahayag ng Bise Presidente, dahil totoong may nakausap umano ito para isagawa ang asasinasyon, bagama’t inaalam pa nila ang pagkakakilanlan nito.

Inaasahan ding ilalabas sa Miyerkules, Abril 29, ang desisyon ng chairperson ng komite na si Batangas Rep. Gerville Luistro kung may probable cause para isalang sa trial ang ikatlo at ikaapat na impeachment complaints laban kay VP Sara.

Ulat ni Bea Tanierla