Posibleng maghain muli ng panibagong impeachment complaint ang Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) laban kay Vice President Sara Duterte sa Pebrero 2026 pagkatapos ng one-year ban, ayon kay BAYAN chairperson Teddy Casiño.
“Isang pinaghahandaan ‘yung pagtatapos ng one-year ban sa February. Most likely magpa-file po tayo ng impeachment ulit. Kasi bitin ‘yung nangyari, hindi natuloy sa trial,” saad ni Casiño.
Inihayag din ni Casiño na posibleng madagdagan ang grounds for impeachment sa bagong impeachment complaint na kanilang ihahain, “kami kasi isang ground lang kami. ‘Yung iba, several grounds.”
Ani Casiño, pinag-aaralan ng BAYAN ang naging desisyon ng Korte Suprema sa impeachment complaint laban kay VP Sara kung saan idineklara nila itong ‘unconstitutional’ dahil sa isyu ng “technicality.”
“Maraming dinagdag na mga conditions ang Supreme Court. Medyo mas mahirap na ngayong mag-file ng impeachment. So ‘yun ang mga pinag-aaralan,” wika ni Casiño sa isang panayam na ipinalabas sa 24 Oras nitong Lunes, Disyembre 1.
Ulat ni Jilliane Libunao
