Aabot sa ₱212,464 bawat isa ang mga CCTV units na binili ng Office of the Vice President (OVP) noong 2024, ayon sa financial records na inilabas ng Commission on Audit (COA) noong Lunes, Disyembre 1.

Batay sa financial records ng COA para sa OVP, aabot sa ₱1.484 milyon ang kabuuang halaga ng pitong CCTV units na binili ng opisina, na katumbas ng ₱212,464 bawat isa.

Bumili rin umano ang OVP ng 13 laptop units na may kabuuang halaga na ₱3.92 milyon, o nasa ₱301,230 kada laptop.

Dagdag ng audit document, may dalawang Apple MacBook Air ang binili ng OVP noong 2024 na diumano’y nagkakahalaga ng ₱120,842 bawat isa.

Apat na aircon units din ang nakuha ng OVP noong 2024, na may kabuuang halaga na ₱294,020, o katumbas ng ₱73,505 bawat aircon unit.

Samantala, noong 2023, naiulat din ng COA na bumili rin ang OVP ng 10 multi-purpose vehicle na diumano’y nagkakahalaga ng ₱1,028,400 bawat isa, at may kabuuang halaga ng ₱10.284 milyon.

Inirekomenda naman ng COA na repasuhin ng opisina ni Vice President Sara Duterte ang kanilang patakaran para matiyak na tama ang halaga at maayos ang pag-rekord ng mga ibinibigay na kagamitan.

Wala pang komento ang panig ng OVP hinggil sa isyu.

Ulat ni Julian Katrina Bartolome