Inihayag ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer na si Atty. Claire Castro sa press briefing ng PCO sa Malacañang ngayong Huwebes, Pebrero 27, na hindi umano tamang sabihin na tumataas ang crime rates sa Pilipinas ngayong administrasyon.
“Kung isa pa lamang po ang nangyaring ganito, of course hindi po natin kagustuhan ang pangyayari na ito… Para sabihin na yung crime rate natin tumataas hindi po yun tama,” saad ni Castro.
Ito ay matapos mapagusapan ang naganap na ransom kidnaping ng isang estudyante na pinutulan ng daliri na aniya’y ito pa lamang ang naiuulat na ganitong krimen.
Ayon kay Castro, maaaring ipagkumpara ang numero ng krimen sa administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at sa administrasyon ngayon ni President Ferdinand R. Marcos Jr.
“Mas maganda sana kung mag-base tayo sa data, statistics… kung ano ba talaga yung numero ng ganitong klaseng krimen na nangyayari satin,” saad niya.
Ulat ni Ansherina Baes