Tiniyak ng Manila International Airport Authority (MIAA) noong Huwebes, Setyembre 12, na ang mga empleyado ng paliparan na apektado ng privatization ng Ninoy Aquino International Airport ay bibigyan ng mga incentives bukod pa sa pagtaas ng suweldo sa kanilang paglipat sa New NAIA Infrastructure Corp.

Nauna nang tiniyak ng Department of Transportation (DOTr) na magkakaroon pa rin ng trabaho ang mga tauhan ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa oras na i-turn over na ng gobyerno ang operasyon at maintenance ng Ninoy Aquino International Airport sa New NAIA Infrastructure Corp. sa Setyembre 14.

Sinabi ni MIAA Spokesperson Atty. Chris Bendijo, na ang mga apektadong empleyado ay bibigyan ng 25 porsiyento increase sa kanilang basic salary.

“Number two, mayroon po silang matatanggap na signing bonus, which is two times the monthly basic salary that they have, times number of years minus the retirement benefit that they will be getting at mayroon din po tayong separation incentive pay para nang sa ganoon naman po, iyong mga lilipat po sa pribadong sektor ay mayroon naman po silang kahit papaano baon na cash incentive,” sabi ni Bendijo.

“Now, we even with that offer ‘no, alam naman din po natin, mayroon din pong mga empleyado na ayaw pong lumipat sa pribadong sektor at kung sakaling ito po iyong desisyon ng ating mga empleyado, ang MIAA naman po ay magkakaroon ng obligasyon na number one, either hanapan po sila ng available position sa ibang ahensiya ng ating pamahalaan or number two, kung mayroon pa pong available na position dito sa MIAA na kanilang puwedeng gampanan, puwede rin naman po nating ialok sa kanila ito,” dagdag ni Bendijo.