Ayon kay Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, mas masahol pa umano ang ginawang paggastos ni Vice President Sara Duterte sa P125 milyong confidential fund nito sa loob ng 11 araw noong 2022 kung ikukumpara sa PDAF scam ng convicted na si Janet Napoles.

“Tinalo pa ang Napoles fund na 60 days ginastos ang pera,” sabi ni Co, chairman ng House Appropriations Committee.

Ito ang sinabi ni Co nitong Martes, Setyembre 10 kasabay ng pagsasabi na ang inilabas na video ni Duterte ay isa nanamang diversionary tactic.

“Obvious na diversionary tactic [ang sinabi ni Duterte]. Nililihis niya ang issue kasi ayaw niyang magpaliwanang,” giit ng kongresista.

Sa pagdinig nitong Martes sa hinihinging P2.037 bilyon budget ni Duterte para sa 2025, iginiit ni Rep. Co ang kahalagahan na malaman kung saan ginagastos ang pondo ng bayan.

Batay sa ulat, sinabi ni Rep. Co na naglabas ng notice of disallowance ang Commission on Audit laban sa P73 milyong confidential fund na ginastos ni Duterte noong 2022. Ang P73 milyon ay bahagi ng P125 milyong confidential fund na naubos ni Duterte sa loob lamang ng 11 araw.

“Tinalo pa ang Napoles fund na 60 days ginastos ang pera,” sabi ni Rep. Co.

Ang tinutukoy ni Rep. Co ay si Janet Napoles, ang negosyante na itinurong utak sa P10 bilyong Priority Development Assistance Fund (PDAF) Scam. Si Napoles ay kasalukuyang nakakulong kaugnay ng naturang scam.

“Waldas at lakwatsa ang lumalabas… nangurakot. Diversionary tactic, nililihis kasi ayaw niyang magpaliwanag. Nagsabi ang COA na mali ang paggastos nito. Kulelat ang mga bata, sirang pagkain at nutribun para sa mag-aaral. Malala ang panunungkulan. Di pumapasok sa DepEd sa gitna ng kapalpakan,” sabi ni Co na ang pinatutungkulan ay si Duterte na dating kalihim ng Department of Education.