Sa kanyang privilege speech ngayong Martes, Setyembre 10, binuweltahan ni Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co si Vice President Sara Duterte bunsod sa panibagong pag-atake nito sa gobyernong Marcos, partikular sa mga miyembro ng Kamara de Representantes, na kanyang inilahad sa pamamagitan ng isang vido na ipinost sa social media.

“Talaga pong tatak Duterte na yata ang pambubudol – mula sa pekeng war on drugs, pekeng good governance, pekeng pagkontra sa korapsyon, at ngayon – pekeng sagot sa mga isyu,” sabi ni Co.

Inisa-isa ni Co ang mga patutsada ni VP Sara na diumano’y pagtatangka nitong ilihis ang mga kritikal na isyu na kanyang dapat harapin tulad ng kuwestiyunableng paggamit ng malaking pondo ng Office of the Vice President at Department of Education (DepEd) na dating pinamunuan ni Duterte.

“Una, simpleng tao lang daw siya pero mahigit apat na daan ang bodyguards. Siya lang po ang kaisa-isang Vice President sa kasaysayan ng Pilipinas na may ganun kadaming security. May sarili pang Vice Presidential Security Group,” banat ni Co.

Sinagot din ni Co ang patutsada ni VP Sara sa panggigipit umano sa kanya ng mga miyembro ng Kamara, lalo na sa usapin ng budget para sa OVP.

“Karapatan at trabaho ng Kongreso ang pagbusisi sa budget. Ang hindi niya pagsagot sa maaayos na tanong – at lalo pa ang hindi niya pagdalo sa hearing ngayon – ay nagpapakita ng kawalang ng respeto at paggalang sa mga kinatawan ng taumbayan. Tinatakpan niya ang hindi pagsagot sa tanong sa pamamagitan ng pang-iinsulto sa mga Kongresista na ginagawa lang naman ang kanilang mga trabaho,” dagdag ng kongresista.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *