Humihingi ng paliwanag si Bayan Muna Chairman Neri Colmenares sa tanggapan ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng P20 milyong travel expenses nito sa loob lamang ng tatlong buwan.

“The OVP answer during her budget deliberations, how she spent Php 20 Million travelling expenses in just over three months when she has a budget of Php 59.5 Million for travel as OVP, not to mention the billions in travel budget by the Deped (Department of Education),” ayon kay Colmenares.

Ayon kay Colmenares, mayroong inilaang P59.5 milyong pondo sa OVP para sa biyahe pero naubos na agad ang P20 milyon dito sa loob lamang ng tatlong buwan.

Kinukuwestyon din ni Colmenares ang paggamit ng confidential fund ng tanggapan ni Duterte.

Batay sa nakalap umanong impormasyon ng Bayan Muna, ginastos ni VP Duterte ng P125 milyon sa kanyang confidential fund mula Pebrero 6 hanggang Marso 29, 2023 o sa loob lamang ng 50 araw.

Mula Abril 25 hanggang Hunyo 30, 2023 o sa loob ng mahigit na dalawang buwan ay gumastos umano ito muli ng P125 milyon, ayon kay Colmenares.

Bukod dito, sinabi ni Colmenares na hindi pa naipapaliwanag ni Duterte ang P125 milyong confidential fund na ginastos ni VP Duterte sa loob ng 11 araw noong 2022.