Ayon sa isang ulat, nag-aalok ang Kingdom of Jesus Christ (KOJC), ang grupo ng nagtatagong Pastor Apollo Quiboloy, ng ₱20 milyong pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga taong gusto umanong pumatay sa pastor.

“Kung sino yung maka-identify sa amin sa papatay kay Pastor Apollo Quiboloy kasi meron daw inatasan na magpatay kay Pastor Apollo Quiboloy. Gusto malaman ng mga miyembro po niya, seven million po yan, kung sino yung tao na inatasan na papatay kay Pastor Apollo Quiboloy,” saad ni Atty. Israelito Torreon, abogado ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).

Noong Pebrero, iginiit ng kampo ni Quiboloy na nakatanggap sila ng impormasyon tungkol sa planong pagpatay sa tagapagtatag ng KOJC.

Gayunman, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na wala silang na-monitor na death threat sa pastor. Bukod sa pagtukoy sa mga gustong tanggalin si Quiboloy, nais ding malaman ng mga miyembro ng KOJC kung sino ang nag-alok ng ₱10 milyon para sa pag-aresto kay Quiboloy.

“We would like to know that so that we will know the motivation why would he raise the money against our good pastor. Ano ba ang utang ni Pastor sa kanya? Gusto naming malaman. Ano ba’ng hatred niya kay Pastor? Ano ba’ng motivation niya, baka naman gusto niyang makakuha ng kontrata sa DILG,” sabi pa ni Torreon.

Matatandaang inalok ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos, Jr. ang P10 milyong reward noong Hulyo 2024.